2015: Mahaba ang pila sa LRT at MRT, siksikan sa bus, usad-pagong ang daloy ng trapiko sa EDSA mula Makati hanggang Philcoa. Mahuhuli na naman sa klase ang mga “iskolar ng bayan.” Kailan at paano nga ba nagsimulang gamitin ang katagang ito bilang pagtukoy sa mga mag-aaral ng Unibersidad ng Pilipinas (UP)?
1975: Isang “di malilimutang karanasan” ang araw-araw na pagbyahe ng isang estudyante ng UP Diliman mula Makati. “Matagal ka nang maghihintay ng bus tapos sangkaterbang tao ang nag-eeksudos o nag-eebakweyt papuntang Cubao,” ani ng estudyante. Kaya nang kinailangang magsulat ng isang sanaysay para sa “creative writing class” sa noon ay College of Arts and Sciences, isinulat ng naturang estudyante ang “Hiráp sa Sasakyan ang Iskolar ng Bayan.”
Ilang bahagi ng sanaysay:
Pag para ng bus, bababa ang dalawa, sasakay naman ang dalawampu. Sa malayo, parang mga langaw ang mga tao na nag-uunahan sa pagdapo sa sugat ng isang batang taga Constitution Hill. . . . Sa wakas, kahit papano nakasabit ka rin. Mula sa estribo dahan-dahan kang sumisingit, “oops, sorry po.” Singit ka sa pagitan ng mga manggagawa, empleyado, mga estudiyante atbp. . . . Sa mala-sardinas na kondisyon ng loob ng bus, mangingiti ka kasi nakasakay ka na. . . . May problemang panibago . . . paano ang pagbabayad. Kasi hawak mo sa kaliwa ang “things” mo, ang kanan naman, nakakapit. Pero susubukan mo rin; kahit papano madudukot mo rin ang piso mong pang-one-way . . . . Kung sa tabi ka ng bintana nakaupo, susubukan mong lumanghap ng hangin, pero ‘yung hanging nalalanghap mo, may halong usok na itim at “pulbos ng gobyerno”. Bigla kang kakabahan, “Buo pa kaya ang bagâ ko?”
Sa isang chat, kamakailan, ikinwento niya na noong isinulat niya ang nasabing sanaysay, kalilipat lang nya sa kursong Philippine Studies. “Second year pa lang ako pero panahon ng martial law at ang expectation ko noon sa UP ay dapat may resistance, pero ito namang sinulat ko, wala namang kinalaman sa aktibismo, kung tutuusin,” dagdag niya.
“Pero isang bahagi ‘yun ng buhay-estudyante ng taga-UP noong panahon na ‘yon kaya isa itong reflection sa mga nangyayari noon.” Sa tingin nga niya eh “privileged” ang mag-aaral ng UP dahil pinag-aaral ng estado at tama lang na masabi niyang siya ay “iskolar ng bayan.”
“Ipakikita mo kasi kung saan ka nanggaling at kung saan ka papunta. May utang na loob ka sa kalidad ng edukasyon na nakukuha mo at dahil sa pribelehiyong ibinigay sa ‘yo,” wika niya.
Sa unang sanaysay ginamit niya ang alyas na “P.P. Chugin” dahil sa klase ‘di dapat kilala ang may-akda kasi mga kaklase ang susuri sa akda. Nang ito ay lumabas sa Philippine Collegian noong Agosto 26, 1975, Rodolfo de Leon ang ginamit niyang pen name. Rodolfo ang pangalan ng isa niyang kasamahang aktibista na napatay matapos sumanib sa NPA. De Leon naman ay apelyido ng isa pa ring kaibigang aktibista.
Ayon kay Rizalina “Richie” Valencia, nang mabasa niya ang sanaysay ni Ollie (magkaklase sina Ollie at Richie sa creative writing class) naisip niyang gamitin ang “Iskolar ng Bayan” sa mga serye ng artikulo tungkol sa buhay-buhay ng mga mag-aaral sa Diliman.
Kaya noong Setyembre 3, 1975, nagkaroon ng buhay ang katauhan ng “Iskolar ng Bayan” nang ibinungad ni Richie sa kaniyang artikulo na “Ang estudyante raw sa UP, sabi nila, eh totoong palaisip at mapaghinala, isa sa mga pinakamakulit na tao sa mundo.”

“Kahit anong bagay, maski siguro ang kalyo sa paa mo, ay kaniyang sinusuri, dinidikdik, at binibigyan ng kahulugan. Mag-iisip siya, magtatanong, makiki-debate, mag-iisip uli, magpapahalaga, at mag-iisip na naman hanggang sa makulta ang kaniyang utak,” ayon kay Richie sa kaniyang artikulong “Masyadong Makulit ang Iskolar ng Bayan.”
Nang mga panahong ‘yon mainit na isyu ang mungkahing gawing National University of the Philippines ang UP at ang pagkakaroon ng “program specialization” dahil nga mayroon daw “shortage of technicians,” na siyang rekomendasyon ng Presidential Commission to Survey Philippine Education (PCSPE). Kasama rin sa mga rekomendasyon ang phase-out sa karamihan sa mga BA course maliban sa accounting, business economics at hotel and restaurant administration. Kabilang din ang pag-iisa ng UP High School at UP Preparatory School upang bumuo ng UP Comprehensive High School, kaalinsunod ng rekomendasyong bigyan ng vocational at technical na oryentasyon ang mga sekondaryong paaralan sa UP.
Dahil dito, naitanong ni Richie, “Nalilito na naman tuloy ang ating iskolar, baka naman daw ang lahat nang ito’y isang buong plano na i-undermine ang edukasyon sa UP?”
Ayon kay Richie, matapos nito ay nagtambalan sila ni Ed Vencio sa lumabas na mga artikulo tulad ng “Sunog sa Araw ang Iskolar ng Bayan” at “Gutom sa Pagkain ang Iskolar ng Bayan.”
May kasamang cartoon ang mga artikulo na guhit naman ni Astrid Seguritan, UP High Class ‘73 din! Ito ang kahuli-hulihang batch o pangkat ng UP High School.
Matapos nito, nilapitan sila ng UP Repertory para gumawa ng isang komprehensibong piyesa na magagamit na pantomime para sa “Iskolar ng Bayan” tulad nang naisulat ni Jose Lacaba sa “Kagilagilalas na Pakikipagsapalaran ni Juan dela Cruz.”
Sina Richie at Ed, kapwa kabilang sa UP High Class ’73, ay mga feature writer noong panahon ni Abraham “Ditto” Sarmiento Jr., editor-in-chief ng Philippine Collegian.
Kung ang Iskolar ng Bayan ay naging simbolo ng aktibismo ng mga mag-aaral ng UP, naging inspirasyon naman si Ditto sa pakikipaglaban para sa mga demokratikong karapatan bukod sa malayang pamamahayag ng mga mag-aaral. Sa isang editoryal ng Collegian, kaniyang isinulat na “kung hindi tayo kikilos, sino ang kikilos? Kung di tayo kikibo, sino ang kikibo? Kung hindi ngayon, kailan pa?”
Ayon kay Ollie, ‘di na niya gaanong nasubaybayan ang mga artikulo nina Ed at Richie dahil nahuli siya noong Enero 1976 at naging political detainee hanggang Agosto noong taong ding ‘yon.
Ngunit natutuwa siya na ‘di lang sa UP ginagamit ang kanilang sinimulang Iskolar ng Bayan na simbolo ng mga mag-aaral sa UP System. Ginagamit na rin ito ng mga mag-aaral sa maraming mga state university at kolehiyo sa buong bansa.
“Tama lang ‘yon. Ang responsibilidad mo ay lumalawak na ‘di na lang sa gobyerno, ‘di na lang sa taxpayer, kundi sa buong bayan,” wika ni Oliver “Ollie” Teves, alyas P.P. Chugin, Rodolfo de Leon.
Maraming salamat,
Oliver “Ollie” Teves, UP High ’73, Rizalina “Richie” Valencia, UP High ‘73, Edgardo “Ed” Vencio, UP High ’73, at Astrid Seguritan, UP High ’73 at sa iba pang mga nagsipagtapos sa UPHS, UP Prep, UP Elem, UPIS sa patuloy na pagpapayaman at pagpapayabong sa tunay na kahulugan ng Iskolar ng Bayan.
Kung hindi tayo kikilos, sino ang kikilos? Kung di tayo kikibo, sino ang kikibo? Kung hindi ngayon, kailan pa? (Joel C. Paredes)