Bilang pakiisa ng UP Diliman sa Pambansang Buwan ng Sining sa taong ito, naging gabay ng pagdiriwang ang temang “Salaysayan: K’wentong Bayan, Kaalamang Bayan.”
“Ang mga kuwentong bayan ay mga naratibong pasalita na nagpasalin-salin sa maraming henerasyon. Madalas ang mga kuwentong bayan ang nagpapaliwanag ng iba’t ibang aspekto ng tradisyon, mga kalakaran pati na rin kasaysayan. Sa pag-aaral ng mga kuwentong bayan, itinuturing na isang masining na pamamaraan ng pakikipagtalastasan sa mga maliliit na pangkat ang kuwentong bayan,” ayon kina Propesor Sir Anril P. Tiatco at Propesor Jem R. Javier, mga pinuno ng proyekto ng UP Diliman Month 2017, mula sa Opisina ng Inisyatiba para sa Kultura at mga Sining.
Dagdag pa nila, “sa pagdiriwang ng Pambansang Buwan ng Sining, sasariwain ng UP Diliman sa ating haraya at isipan ang mga kuwentong bayan na kinalalakipan ng samu’t saring saysay, pukaw at kaalaman.”
Ang programang inihanda para sa taong ito ay may sumusunod na layunin: (1) upang magkaroon ng mas malalim na pag-unawa sa kuwentong bayan sa iba’t ibang panahon at lunan; (2) upang maipakita na ang mga kuwentong bayan ay mga imbakan ng kaalamang bayan; (3) upang maiugnay-ugnay ang mga kuwentong bayan sa mga naratibo ng pagkabansa ng Pilipinas; at (4) upang maisalin ang mga kuwentong bayan sa iba’t ibang porma ng sining.
Pagbubukas ng UP Diliman Month 2017 na ginanap noong ika-1 ng Pebrero sa tapat ng Faculty Center, nagkaroon ng mga kulturang pagtatanghal. Ang “Tudyuhan ng Dalawang Diyos” ay isang pagbabahagi ng koro at sayaw na isinagawa nina Krystl Buesa (Magyawen), Nil’s Flores (Makaptan), Tomy Virtucio (Manaul), Conchords (Koro), at ng UP Filipiniana Dance Group.

Para naman sa pagtatanghal ng “Awit: Musika ng Muling Pagkabuhay ng Kalikasan” ay isang paghahandog ng awitin ng ConChords at ng UP Cherubim and Seraphim halaw mula sa “Awit ni Pulao” ng Pambansang Alagad ng Sining Ramon Santos at ni Propesor Ed Maranan. Ang “Sikalak” at “Sikabay” naman ay tinanghal nina Jeconiah Retulla (Sikalak) at Kat Saga (Sikabay) kasabay ng ConChords at UP Filipiniana Dance Group.
Nagkaroon ng pagpuputong sa mga Artistang Lumikha ng Sansinukob na sina Junyee (Emptiness), Gerry Leonardo (Empitness), Ma. Rita Gudiño (Mebuyan sa Idalmunon), Anton del Castillo (Ang Pagbabalik Lupa), Leo Abaya (Ang Kahanginan), Leeroy New (Agtayabon), at Reg Yuson (Langit-non). Ang “Sansinukob” ay isang interactive–installation na eksibit tampok ang pitong (7) katangi-tanging obra ng mga bantog na manlilikha ng kasalukuyang panahon na sumisimbulo sa mga dakilang tapat lng sansinukob mula sa pananaw ng mga etnolingguwistikong grupo sa Pilipinas, ayon kina Tiatco at Javier.
Ang mga obra ay nakatalaga sa iba’t ibang istasyon sa loob ng kampus. Matatagpuan ang mga ito sa UP Oblation Complex, sa Vargas Museum, at sa UP Theater Complex.
Ang UP Diliman Month 2017 ay isang buwan ng pagdiriwang ng ib’at ibang porma ng sining sa pamamagitan ng mga kulturang pagtatanghal at palabas at kumperensiya. Maaaring antabayan ang iba’t ibang programang nakalatag para sa buong buwan ng Pebrero sa www.oica.upd.edu.ph o sa www.upd.edu.ph. (Stephanie S. Cabigao, UP MPRO)