Temang “Ani at Alay” tampok sa ika-117 anibersaryo ng UP

| Written by Arlyn VCD Palisoc Romualdo

Ang pag-awit ng “UP Naming Mahal.” Larawang kuha ni Misael Bacani, UP MPRO

 

Pormal na binuksan ang Linggo ng Unibersidad noong Hunyo 16 sa pamamagitan ng Seremonya ng Pagtataas ng Bandila ng Pilipinas sa UP Diliman (UPD), na pinangunahan ni UP President Angelo Jimenez. Hanggang Hunyo 20 ang selebrasyon na gumugunita sa pagkakatatag ng Unibersidad ng Pilipinas noong Hunyo 18, 1908.

Sa ikalawang taon ng Linggo ng Unibersidad, ipinagdiriwang ng UP ang ika-117 anibersaryo nito na may temang “Ani at Alay: Paglilingkod at Pasidungog sa Bayan.” Bahagi rito ang mga programang nagbibigay-pugay sa mga tagumpay at nakamtan ng mga miyembro ng komunidad ng UP, at sa kanilang mahahalagang ambag sa unibersidad, sa bayan, at sa sambayanang Pilipino.

Ayon kay Jimenez, sumasaklaw ang temang “Ani at Alay” sa proseso ng pagkatuto, paglilingkod, at pagpapatatag ng bayan. Ang “ani” ay bunga ng pagsisikap, pagtitiyaga, at pagsasakripisyo; at ang “alay” ay ang paghahandog ng kakayahan, kaalaman, at buhay sa paninilbihan sa sambayanan. Dagdag pa niya, angkop na angkop ang tema sa diwa ng UP: ang paggamit ng dangal at husay sa paglilingkod.

 

 

Bukod kay Jimenez, nagbigay rin ng mensahe sina UPD Chancellor Edgardo Carlo Vistan II; UP Los Baños Chancellor Jose Camacho, Jr.; UP Manila Chancellor Michael Tee; UP Visayas Chancellor Clement Camposano; UP Open University Chancellor Joane Serrano; UP Mindanao Chancellor Lyre Anni Murao; UP Baguio Chancellor Joel Addawe; UP Cebu Chancellor Leo Malagar; UP Tacloban College Dean Patricia Arinto; at Commission on Higher Education Chairperson Shirley Agrupis.

 

 

 

Tampok sa pangwakas ng programa ang pagtatanghal mula sa UP Varsity Pep Squad at UP Varsity Pep Drummers.

Tingnan ang mga programang bahagi ng Linggo ng Unibersidad dito: https://up.edu.ph/linggo-ng-unibersidad-2025/

 

 

Ang pangwakas na pagtatanghal mula sa UP Varsity Pep Squad at UP Varsity Pep
Drummers. Larawang kuha ni Misael Bacani, UP MPRO