Video at edit ng TVUP
Binabati ko kayo, mga mahal kong iskolar ng bayan, sa inyong pagtatapos mula sa UP Nating Mahal. Kayo ay nabibilang sa katangi-tanging Batch 2020. Natatangi sapagkat kayo ay nagsipagtapos sa panahon ng isang pandemya. Na kahit pa napaikli ng pandemyang ito ang inyong paglagi at pag-aaral sa loob ng ating pamantasan ay buong husay at tapang ninyong hinarap ang lahat ng hamon ng pagkakataon at matagumpay kayong nakaraos sa mga kursong inyo ngayong tinapos.
Totoo nga na kakaiba ang mga seremonya ng pagtatapos sa ating bansa ngayon. Subalit hindi man ninyo naranasan ang mga kaabang-abang na tradisyon tulad ng pagsusuot ng ating Sablay, paggawad ng mga titulo at karangalan, paglahok sa mga lightning rally, at iba pa, kayo naman ay mga tunay pa rin na mga gradweyt at ngayon ay alumni na ng UP. Taos-puso pa rin nating ipinagdiriwang ang okasyong ito, gaya ng mga nagdaang araw ng pagtatapos, at pinasasalamatan natin ang lahat ng ating mga nakasama sa makabuluhang paglalakbay na ito.
Sa mga nakalipas na buwan, natutunan natin kung paano harapin ang isang kakaibang sitwasyon sa kasaysayan ng ating daigdig at lipunan, ang pagharap sa sakit na COVID-19. Bagamat hindi pa lubos na natatapos ang mga panganib na sanhi ng nasabing sakit, ating tandaan na hindi biro ang paghubog, pagsasanay at paghahandang ibinahagi sa inyo ng UP upang mapagtagumpayan ninyong sama-sama ang anumang hamong inyong kakaharapin.
Ating tandaan na ang panahon ng krisis ay hindi lamang isang masamang panaginip. Ito rin ay isang mabuting pagkakataon upang tayo ay lalong magpunyagi, magpakahusay at makapaglingkod sa bayan. Isabuhay natin ang diwa ng UP, ang pagkakaisa, ang paglilingkod nang buong husay at dangal, at patunayan natin na walang hangganan ang pagaambag ng ating Unibersidad at ng kanyang mga alumni sa paghahanap at paglalapat ng mga epektibong alternatibo at solusyon sa anumang suliranin.
Sa tulong ng inyong mga propesor, kamag-aral, kasama sa kolehiyo at mga organisasyong kinabibilangan, naibigay ng UP ang lahat ng aralin at kasanayan, sa loob ng higit na maikling panahon at sa pamamagitan ng kakaibang pamamaraan ng pagtuturo. Dapat nating mapagtanto na ang tunay at higit na makabuluhang larangan ng pagkatuto ay nasa labas ng ating pamantasan.
Kayo, ang Batch 2020, ang unang henerasyon ng mga nagsipagtapos na iskolar ng bayan sa panahon ng pandemyang COVID-19. Inaasahan kong kayo ay mangunguna sa pagbabangon sa ating bayan mula sa lusak ng trahedyang ito. Gamitin sana ninyo nang wasto ang karunungang Tatak UP. Buong giting at husay nawa ninyong gampanan ang pagiging mabuting Pilipino, na may utak at puso para sa kapwa at para sa bayan. Muli, binabati ko kayo sa makasaysayan at makabuluhang okasyong ito. Gabayan nawa kayo ng Poong Maykapal.
Danilo L. Concepcion
Pangulo
Unibersidad ng Pilipinas