Kawani at retirado ng UP System, pinarangalan

| Written by Arlyn VCD Palisoc Romualdo

Sa kanyang talumpati, sinabi ni UP President Angelo Jimenez na walang maliit o malaking tungkulin sa pamantasan dahil lahat ay pantay-pantay ang gawain at ambag sa pagsulong ng mga adhikain ng UP. Larawang kuha ni Misael Bacani, UP MPRO

Kinilala ng UP System ang ilan sa mga kawani at retirado nito sa isang programang ginanap sa Malcolm Theater, UP Diliman noong Hunyo 16, bilang bahagi ng unang araw ng Linggo ng Unibersidad 2025.

Sa pangunguna ni UP President Angelo Jimenez, binigyang-pugay ng unibersidad ang 15 kawaning nakapaglingkod ng 10 hanggang 40 taon sa UP sa pamamagitan ng Loyalty Award; apat na ginawaran ng UTAK Award (Pagkilala sa Natatanging Inobasyon at Tuklas Tipid); dalawang binigyan ng PUSO Award (Pagkilala Para sa Inspirasyon at Husay ng mga Kawani); at walong nag-retiro na sa serbisyo.

Ipinaabot ni Jimenez sa mga pinarangalan ang taos-pusong pasasalamat ng buong komunidad ng UP. Sa mga retirado at kawaning tumanggap ng Loyalty Award, sinabi niyang hindi matatawaran ang napakahalagang handog at ambag nila sa pamantasan—ang kanilang habambuhay na katapatan at dedikasyon sa UP. Hiniling naman ni Jimenez sa mga kawaning binigyan ng UTAK Award at PUSO Award na patuloy silang magsilbing inspirasyon sa loob at labas ng kanilang mga opisina.

Sa mensahe naman ni UP VP for Administration Augustus Resurreccion, inilahad niyang ang pagkilala sa mga empleyado at retirado ng UP System ay hindi lamang bahagi ng Linggo ng Unibersidad, kung hindi mahalagang gawain na sumusuporta sa Quality Management System na isa sa mga flagship program ng UP Strategic Plan 2023-2029. 

Ang Linggo ng Unibersidad ay taunang paggunita sa anibersaryo ng pagkakatatag ng UP noong Hunyo 18, 1908. Ika-117 taong anibersaryo ang kasalukuyang idinaraos ng pamantasan sa pamamagitan ng iba’t-ibang programang nakapaloob sa temang, “Ani at Alay: Paglilingkod at Pasidungog sa Bayan.” 

Ibinahagi na ni Jimenez sa pagbubukas ng selebrasyon na saklaw ng tema ang proseso ng pagkatuto, paglilingkod, at pagpapatatag ng bayan. Aniya, ang “ani” ay bunga ng pagsisikap, pagtitiyaga, at pagsasakripisyo; at ang “alay” ay ang paghahandog ng kakayahan, kaalaman, at buhay sa paninilbihan sa sambayanan. Dagdag pa niya, na mahusay ang pag-angkop ng tema sa diwa ng UP: ang paggamit ng dangal at husay sa paglilingkod.

Sa kanyang mensahe, sinabi ni UP VP for Administration Augustus Resurreccion na ang parangal sa mga kawani at retirado ng UP System ay pagpapahalaga sa mga taong nagbahagi ng kanilang talino, oras, at dedikasyon sa paglilingkod sa pamantasan. Larawang kuha ni Misael Bacani, UP MPRO

Hanggang Hunyo 20 ang pagdiriwang ng Linggo ng Unibersidad.

Narito ang mga kawani at retirado ng UP System na pinarangalan:

Loyalty Award

10 Taon – Gina Beruela, Executive House
10 Taon – Marsel Lincoln Meneses, Office of the VP for Legal Affairs (OVPLA
15 Taon – Annaliza Amorato, Office of Admissions (OAdms)
15 Taon – Jennifer Duarte, Office of Alumni Relations
15 Taon – Virgilio Llenaresas, System Budget Office
15 Taon – Cesar Nilo, Office of the Secretary of the University
15 Taon – Paulo Noel Paje, Information Technology Development Center
25 Taon – Nestor De Guzman, UP Press
30 Taon – Shirley Cabrera, System Accounting Office (SAO)
35 Taon – Ricardo Felonia, OAdms
35 Taon – Auramine Igcalinos, UP Press
35 Taon – Antonio Ramilo, SAO
35 Taon – Jose Rene Torres, OAdms
40 Taon – Maria Belen Janio, OAdms
40 Taon – Ruth Mercado, OVPLA

 

Ang ilan sa mga kawaning tumanggap ng Loyalty Award kasama ang mga opisyal ng UP System. Larawang kuha ni Misael Bacani, UP MPRO

 

Retirado

Jose Fernando Alcantara, Office of the President (OP)
Maritess Cacho, System Cash Office (SCO)
Luciana Cinco, OVPLA
Felicitas Lacbawan, Philippine Genome Center
Adela Malubay, SCO
Ferdinand Jesus Pecson, Office of the VP for Development (OVPD)
Susan Sanchez, SAO
Clarita Yap, OAdms

 

 

Ang ilan sa mga retirado mula sa iba’t ibang opisina ng UP System kasama ang mga opisyal ng unibersidad. Larawang kuha ni Misael Bacani, UP MPRO

UTAK Award

Rechelle Dueñas, OP
Jaime Anne Fe, Office of the VP for Planning and Finance
Pacifico Gonzales OVPD
Flor Ofilada, UP System Procurement Office

PUSO Award

Dennis Bugnalen, Office of International Linkages
Arvy Rose Mena, OP

 

Ang mga kawaning ginawaran ng PUSO Award at UTAK Award ng UP System kasama ang mga opisyal ng unibersidad. Larawang kuha ni Misael Bacani, UP MPRO

Tingnan ang mga programang bahagi ng Linggo ng Unibersidad dito: https://up.edu.ph/linggo-ng-unibersidad-2025/