Ang paglalakbay ng Munting Prinsipe sa mundo ni Gracio

| Written by Percy Dahe

English summary:

“The Little Prince’s journey through Gracio’s world,” encapsulates Jerry Gracio’s translation of Antoine de Saint-Exupéry’s classic children’s story into Waray, Gracio’s regional language. Gracio studied creative writing at the University of the Philippines Diliman. Among his awards are: SEA Write Award, 2015; Gawad Pio Valenzuela Awardee for Literature, 2006; Makata ng Taon, Komisyon sa Wikang Filipino, 2005; Citation for Best Screenplay, Young Critics’ Circle, 2002; Palanca Memorial Awards for Literature, 2002; Gantimpalang Collantes, KWF, 2002; and Gawad LIRA sa Tula, 2002.

Aminado si Jerry Gracio na hindi niya inasahang tatahakin niya ang landas ng pagiging manunulat. Siya, na isang makata, awtor, manunulat sa telebisyon at pelikula, patnugot, tagasalin, kritiko, mentor, guro, at naging dating komisyoner ng Komisyon sa Wikang Filipino.

 

Sa katunayan daw, ang pangarap niya noon ay maging pari. Ngunit biro niya, mas bagay siyang madre. Hindi rin niya pinangarap ang maging prinsipe. Gayunpaman, natagpuan niya ang prinsipe sa pagbabalik niya sa kaniyang sinusong wika, pati na rin ang kapangyarihan ng pagsasalin bilang paraan ng pagsilbi sa komunidad ng mga umiiral na mambabasa.

 

Sa ganitong konteksto, kung paanong walang pilotong nakasubaybay sa kaniyang paglalakbay at walang migrasyon ng mga ligaw na ibon na maaari niyang sundan, ginamit ni Gracio ang kaniyang husay upang, sa kaniyang pag-uwi, maipakilala sa mga Waraynon ang “The Little Prince” ni Antoine de Saint-Exupéry.

Pagsilang ng "An Ditoy Nga Prinsipe"

Higit na nagiging makapangyarihan ang isang kuwento kapag naaabot nito ang kasuluk-sulukan ng bansa, subalit nagiging balakid ang kakayahang ipaunawa sa lahat ang mga kalinangang taglay ng isang akda, lalo na kung ito ay nagmula sa ibang bansa. Sa kabila nito, sa pag-ibig ni Gracio sa rehiyonalismo, pinangarap niyang ipakilala ang klasikong “The Little Prince” sa kaniyang kapuwa Waraynon. Sa tulong ng tagapaglathalang nakabase sa Naga na Savage Mind, nagsimula ang paglalakbay ng aklat nang ilunsad ito noong Peb. 14, 2024 at nasundan pa ng pangalawang edisyon nitong Peb. 28.  

 

Dagdag pa rito, ibinahagi ni Gracio ang pinakanatutuhan niya sa akda, isang aral na dala-dala niya hanggang ngayon: “Ang mga bagay na esensyal ay invisible sa mata.” Para sa kaniya, ito ang ubod ng katotohanang pinadama sa kaniya ng akda, dahilan upang higit niya itong mahalin.

 

Sa kaniyang pagsasalin, bagaman limitado ang kaniyang kaalaman sa wikang Pranses, mas pinagbatayan niya ang salin ng akda sa Ingles. Isa sa mga naging hamon sa kaniya ang paghahanap ng katumbas na mga terminong wala sa wikang Waray. Bukod dito, isinaalang-alang din niya ang kaniyang paggamit ng isang baryant ng Waray na hindi itinuturing na mainstream. Ipinapakita nito ang lawak at pagkakaiba-iba ng wika. 

 

Sa kabila nito, nananatili sa kaniya ang layunin ng kaniyang adbokasiya. Ayon sa kaniya, “hindi mabubuo ang panitikang pambansa kapag ang panitikan ay nakasulat lamang sa English o Filipino.” Dagdag pa niya, “Kailangan kolektahin ang mga panitikan na nakasulat sa iba’t ibang wika ng bansa para mabuo ang panitikan ng bayan.”

Si Jerry Gracio, sa onlayn na panayam, habang ibinabahagi ang kaniyang pangarap para sa wikang Waray at sa panitikang pambansa. Larawang kuha ni Kevin Roque, UPS-MCO.

Sa mga Mambabasa

Hindi maikakaila ang hiwagang dala ng wakas ng akda. Gayunpaman, para kay Gracio, isa rin itong pagkakataon upang pagkatiwalaan ang kakayahan ng mga mambabasa, lalo na ang mga bata. Aniya, “Kapag bata ang magbabasa, may sense of wonder.” Sa kanilang pagtatanong, lalong lumalawak ang kanilang pag-unawa sa komplikadong realidad ng buhay.

 

Higit pa rito, hindi rin nagdulot ng pagdadalawang-isip kay Gracio ang paniwalaan ang mga bata. Sa halip, nais niyang mapulot nila sa akda ang isa sa pinakamahalagang paksa nito, ang danas ng pagkakaibigan.

Pabalat ng librong “An Ditoy na Prinsipe,” na disenyo ni Cyan Cuatrona. Ang larawan ay kuha mula sa Facebook Page na Savage Mind: Arts Books, and Cinema. (Enero 12, 2026).

Nang itanong sa kaniya kung ano naman ang itatanong niya sa prinsipe kung sila ay magkita sa disyerto, sinabi ni Gracio na nais niyang malaman kung ano ang mga kuwentong maaari niyang baunin mula sa mga natutuhan ng prinsipe sa kaniyang paglalakbay.

 

Bukod dito, naibahagi rin niya na isa sa mga bagay na nananatiling hindi maintindihan ng matatanda sa mga batang mambabasa ay ang halaga ng imahinasyon. “Nag-iimpose na tayo na ang bulaklak ay pula, ang dahon ay berde,” ani niya. “Nawawala na ‘yong sense of amazement … at ang capacity to imagine a world in different colors.”

Si Jerry Gracio (kanan) sa book signing sa Savage Mind booth na ginanap noong Philippine Book Festival, Marso 15 sa SM Megamall. Ang larawan ay kuha mula sa Facebook Account ni Gracio. (Marso 17, 2026).

Rikit ng Poetika

Sa huling bahagi, “mingaw,” ang naging sagot ni Gracio nang maitanong kung anong salitang Waray ang maaaring magpakilala sa kaniyang pagsusulat. Para sa kaniya, ang mingaw ay hindi lamang nangangahulugan ng lungkot dulot ng pagkalayo sa mahal sa buhay o sa tahanan. Sa halip, ito rin ay isang pakiramdam na tila naroroon ka, ngunit hindi ganap na naroroon, “it’s as if you’re there, yet you are not there.”

 

Sa pagninilay na ito, napagtanto niya na ang kaniyang ganyak sa pagsusulat at pagbabalik sa Waray ay nag-uugat sa damdaming ito. “Parang lahat ng isinusulat ko ay tungkol sa mingaw,” aniya. “I long siguro for that innocence … for that lost love.”

 

Sa huli, katulad ng prinsipe na kahit man sa ibang dako na ng kalawakan napunta ay uuwi at uuwi pa rin sa rosas, si Gracio ay babalik at babalik sa Waray. Hindi bilang prinsipe kundi bilang pilotong naglalakbay pabalik sa kaniyang sariling wika.

Ilustrasyon ni Mar Philippe Lopez, UPS-MCO