
Ipinagdiriwang ng All UP Workers Union ang ika-30 anibersaryo nito sa temang “Patuloy na paglilingkod sa kawani at bayan.” Isang buong araw ng iba’t ibang aktibidad ang inilunsad kasama na ang parada ng mga miyembrong kawani sa buong Academic Oval noong ika-29 ng Setyembre sa kampus ng Diliman.
Ang Unyon ay itinatag noong Setyembre 29, 1987 batay sa prinsipyong isulong ang mga karapatan at interes ng mga sektor sa loob at labas ng pamantasan upang magkaroon ng ambag para sa pagkakaisa at kagalingan ng sektor ng mga manggagawa sa lipunang Pilipino.
Ayon sa pahayag ng Unyon, “sa pamamagitan ng mahigpit nating pagkakaisa at sama-samang pagkilos marami tayong nakamit na mga dagdag na benepisyo tulad ng rice subsidy, Service Recognition Pay, at marami pang iba. May mga istruktura rin at prosesong naipatupad, kasama ang UP Administration, sa nagbibigay ng ibayong karapatan sa mga kawani tulad ng pagbubuo at pagkilala sa representasyon ng unyon sa mga APC-PERC hanggang sa level ng mga kolehiyo, at pagkakaroon ng Grievance Machinery.”
Ang nasabing pagtitipon ay dinaluhan din ng opisyal ng Unibersidad partikular ang Bise President para sa Administrasyon na si Ginoong Nestor Yunque. (Stephanie S. Cabigao, UP MPRO)