Alay sa Pamantasan ng Sambayanan: UP Symphony Orchestra, nagtanghal

| Written by Percy Dahe

Ang pag-awit ng “Tagpi-tagping Kundimang Hibik ng Bayan” nina Mary Michael Boragay, soprano, at Johann Niccolo Uy, tenor. Kuhang larawan ni Jun Madrid

 

“We cannot escape history.”
— Abraham Lincoln, mula sa “Lincoln Portrait” ni Aaron Copland

 

Muling binigkas ni UP President Angelo Jimenez ang mga salitang ito sa kaniyang pagsasalaysay sa obrang “Lincoln Portrait” ni Aaron Copland para sa konsiyértong Alay sa Pamantasan ng Sambayanan noong Hunyo 18, sa UP Theater, UP Diliman.

Handog ng UP Symphony Orchestra (UPSO) ang pagtatanghal sa pagdiriwang ng ika-117 anibersaryo ng unibersidad at sa paggunita ng ika-127 Araw ng Kasarinlan ng Pilipinas. Kabilang ang konsiyérto sa mga aktibidad ng Linggo ng Unibersidad, na nagsimula noong Hunyo 16 at magtatagal hanggang Hunyo 20.

Ang pagsasalaysay ni UP President Angelo Jimenez sa bilang ng “Lincoln Portrait” ni Aaron Copland. Kuhang larawan ni Jun Madrid

Sa kumpas nina Professor Emeritus Josefino Chino Toledo, direktor ng musika ng UPSO, at Noemi Binag, direktor ng UPSO Symphonic Chorus, tampok sa pagtatanghal ang mga awiting “UP Beloved” ni Nicanor Abelardo, aranseho ni Toledo; Overture to Egmont, Op. 84 ni Ludwig van Beethoven; “Awit ng Pagdiriwang” ni Ramon Pagayon Santos na pinamunuan sa koro ni Alexander John Villanueva, kasama ang mga mang-aawit na sina Maria Charezka Dawal-Granda, soprano, at Kelbert Sinfuego, tenor; “Tikladong Hirang” ni Toledo na ginampanan sa piyano nina Ena Maria Aldecoa, Luci Magalit, Geraldine Marie Gonzales, Albert Napoleon Roldan, at Michelle Nicolasora; “Panata sa Bayan” ni Lucio San Pedro, liriko ni Domingo Landicho at isinayos para sa orkestra ni Toledo, sa pag-awit ni Lionel Guico bilang baritono; “Tagpi-tagping Kundimang Hibik ng Bayan” na binida sina Mary Michael Boragay, soprano, at Johann Niccolo Uy, tenor; “Bayan Kong Hirang” nina Constancio de Guzman at Francisco Santiago, sa aranseho ni Toledo; at 1812 Overture, Op. 49 ni Pyotr Ilyich Tchaikovsky, na inayos para sa koro ni Victor Gregory Cahapay.

Sa isang panayam kay Jimenez, pinabatid niya ang halaga ng musika sa buong komunidad ng UP. “Music, like culture, is the glue that keeps community. Culture and art influence emotion. And it is emotion that actually pushes people to action, which is why culture and music have always been powerful.”

Inilahad rin ni Toledo sa isang panayam ang halaga ng orkestra sa pamantasan at sa sambayanan. Nagagamit aniya ang orkestra sa pagpapadaloy ng istorya, kasaysayan, at kamalayan, at pagsasalin ng lahi. Dagdag pa niya na ang orkestra ay kanilang instrumento “para iparating sa mga tao ang gusto namin sabihin, hindi lang galing sa talino kundi sa puso. Sana maramdam ng mga tagapakinig at tagapanood kung ano ang mensahe ng aming musika.”

Ang buong konsiyérto ay hindi lamang tungkol sa musika at pagtatanghal, iniaalay rin nito, ani nga ng tagapagdaloy ng programa, ang “kalayaan, pag-ibig, pagkamakabansa, katatagan, at pag-asa.”