Alamin ang sagot ng mismong mga miyembro ng 1986 Constitutional Commission na sina Florangel Rosario Braid, Wilfrido Villacorta, Ponciano Bennagen, at Edmundo G. Garcia. Dumalo at makilahok sa isang malayang talakayan sa Benitez Theater, College of Education, University of the Philippines Diliman sa 23 Pebrero 2018 (Biyernes), mula 1:00-4:00 ng hapon. Si Propesor Randy David ang moderator sa public forum.
Sa pamamagitan ng forum na ito inilulunsad ang “Sa Bungad ng Diktadura? Ang 2018 Third World Studies Center Public Forum Series.”
Sa unang forum na “Matotokhang ba ang 1987 Constitution”, mapapakinggan ang pagsusuri at mga babala ng mga pangunahing nakakaalam ng diwa ng ating Saligang Batas ngayon—ang mga nagbalangkas nito. Sa ikinikilos ng kasalukuyang administrasyon, may mga palatandaan bang mababago ang kanilang isinulat upang bigyang-daan ang isa na namang mapang-abusong rehimen?
Sa ikawalang forum, tatalakayin, sa pangunguna ng mga dating miyembro ng Korte Suprema at mga iskolar ng konstitusyon, kung ano ang mga posibleng mangyari sa hudikatura kung ang Saligang Batas malagay sa purgatoryo ng mga emyenda o kung tuluyan itong palitan.
Sa ikatlo’t huling forum, maipapaliwanag ng mga dating naka-unipormeng tagapagpatupad ng batas kung ano-anong mga hamon ang haharapin ng kanilang institusyon sa oras na makulayan ng mga partikular na interes ang proseso ng pagpapalit o pag-iemyenda ng konstitusyon.
Kailangan nating usisain at papanagutin lagi, hindi lamang ang may hawak ng kapangyarihan, kundi kahit ang mga taong nagtalaga kung ano ang halaga at bisa ng kapangyarihang ito. Nagsisilbing okasyon ang kasalukuyang banta ng diktadura upang bigyang diin ang pagtitimbang na ito, at upang mabantayan ang mga nakaambang pandarahas sa mga demokratikong institusyon ng bansa.