Komunidad ng UP Diliman nakiisa sa One Billion Rising 2017

| Written by UP Media and Public Relations Office

Binuksan ng pagsasayaw ng Zumba ang pagtitipon para sa pandaigdigang kampanyang tinaguriang One Billion Rising 2017. Dinaluhan ng mga guro, REPS, administrative personnel maging ng mga residente ng Barangay UP Campus at mga kababaihang estudyante ng Balara High School ang nasabing kaganapan noong ika-14 ng Pebrero sa A.S. Steps sa UP Diliman.

“Ang paglahok ng UP Diliman sa pandaigdigang kampanyang ito upang wakasan ang karahasan laban sa kababaihan at ibang kasarian. Sabay-sabay tayong sasayaw laban sa pananakit, pang-aabuso, pambabastos at pagpapahiya, pagsasantabi at pag-apak sa karapatan sa loob ng mga tahanan , silid-aralan, trabaho, pampublikong espasyo, at pati na rin sa cyberspace,” pahayag ng komunidad ng UP Diliman.

Isa namang martsa ng pagkakaisa ang sumunod matapos ang pagsasayaw ng Zumba sa Academic Oval patungong Oblation Plaza. Ang nasabing martsa ay ang pagpapakita ng suporta ng mga aktibong dumalo sa panawagan ng paglaban sa karahasan, at maging sa panawagan ng pagkakaroon ng edukasyon, trabaho, lupa, at kapayapaan.

Participants performing their dance at the AS Steps, Palma Hall, UP Diliman. Photo by Bong Arboleda, UP MPRO.

Ipinagpatuloy ang programa ng One Billion Rising 2017 sa Oblation Plaza upang lalong ipanawagan ang mga kampanya hinggil sa:

Pagtataguyod ng malay sa kasariang edukasyon, ayon sa UP Diliman Gender Office, “ang sexual harassment ang nangungunang kasong paglabag sa kasarian sa kampus. Babae ang karamihan sa mga naitalang nakararanas nito. Ngayon higit kailanman, ang panahon na magkaroon ng isang gender course sa GE program kung naniniwala tayo na dapat at makabuluhan ang kursong dapat laminin ng GE program.”

Libreng edukasyon para sa lahat, “matatandaan ang kaso ni Kristel Tejada ng UP Manila kaugnay sa tuition fee at ang kawalang kapasidad na makapagbayad ng matrikula. Batay sa Philippine Collegian, kapos pa rin ang karagdagang 8.3 bilyong badyet na alokasyon ngayong 2017 sa 12.7 bilyong pangangailangan ng mga state universities and colleges (SUC) para paglingkuran ang 1.7 milyong mag-aaral ng SUCs. Ang deklarasyon noong Disyembre ng libreng matrikula sa mga SUCs ay tagumpay ng mga mag-aaral na matagal nang nagkakampanya para sa libreng edukasyon ngunit hanggang ngayon, wala pa ring katiyakan ang implementasyon nito, ayon sa pahayag ng OBR-UP Diliman.”

Regularisasyon, hindi kontraktwalisasyon, “wala pang linaw ang mga naunang deklarasyon tungkol sa pagwawakas ng ENDO (End of Contract). Nagpapatuloy pa rin ang bulnerableng posisyon ng mga kontraktwal. Sa UP, walang tenure at hindi kinikilala ang employee-employer relations sa mga non-UP contractual at mga agency-hired employees. Ang mga kontraktwal ang mga pinakabulnerable sa sexual harassment sapagkat hindi sila sakop ng UP IRR on Anti-Sexual Harassment ng UP,” dagdag pa ng pahayag ng OBR-UP Diliman.

Ipagpatuloy ang usapang pangkapayapaan, nananawagan rin ang OBR-UP Diliman para sa “pagpapatuloy ng usapang pangkapayapaan at bigyang daan ang komprehensibong repormang pang-ekonomiya na nakasaad sa Comprehensive Agreement on Social and Economic Reforms (CASER). Kahirapan ang malaking dahilan ng pagkalulong ng mga tao sa droga na tinatapatan naman ng militaristang paraan ng pagsugpo kung kaya pataas nang pataas ang bilang ng mga biktima ng extra-judicial killings.”

Ang UP Diliman Gender Office (UPDGO) at Gabriela Youth-UP Diliman ang mga nag-organisa ng OBR 2017 sa UP Diliman. Kasama ng mga ito ang mga miyembro yunit – Office of Anti-Sexual Harassment, Barangay UP Campus, UP Health Service, UP Diliman Police, College of Social Work and Community Development (CSWCD), Office of Student Activities (OSA), UP Human Resources and Development Office (UP HRDO), University Center for Women’s and Gender Studies (UP CWGS), Student Alliance for the Advancement of Democratic Rights in UP (STAND-UP), University Student Council (USC), All UP Academic Employees Union (AUPAEU), All UP Workers Union (AUPWU), Alliance of Contractual Employees (ACE-UP), at ang UP Sigma Delta Pi. (Stephanie S. Cabigao, UP MPRO)