Kabuluhan ng ‘k’wentong bayan’ sa iba’t ibang disiplina tinalakay sa “Sampaksaan”

| Written by UP Media and Public Relations Office

Nagtipon ang mga dalubhasa, guro, iskolar, at mga estudyante sa Panitikang Pilipino mula sa Samar, Leyte, Cebu, Benguet at iba’t ibang rehiyon sa bansa sa kumperensiyang pinamagatang “Sampaksaan sa K’wentong Bayan.”

Ang kumperensiya ay ginanap noong Pebrero 23 sa UP National Institute for Science and Mathematics Education Development (UP NISMED) Auditorium bilang bahagi ng pagdiriwang ng UP Diliman Month 2017.

“Nilalayon ng ‘Sampaksaan’ na mailahad ang kasaysayan at kabuluhan ng mga k’wentong bayan at kaugnayan ng mga ito sa pagbuo ng pambansang kamalayan. Dagdag pa rito, layunin din nito ang (1) maging lunan ng talastasan para sa mga iskolar, mag-aaral, guro at mananaliksik ng mga k’wentong bayan at kaalamang bayan; (2) marinig ang mga pinakabagong pananaliksik hinggil sa mga k’wentong bayan bilang isang lehitimong larangan; at (3) makabuo ng network ng mga iskolar para sa posibleng kolaborasyon,” ayon kina Propesor Sir Anril P. Tiatco at Propesor Jem R. Javier, mga pinuno ng proyekto ng UP Diliman Month 2017, mula sa Opisina ng Inisyatiba para sa Kultura at ng mga Sining.

“Ang mga k’wentong bayan ay mga naratibong pasalita na nagpasalin-salin sa maraming henerasyon. Naririnig ang mga ito sa mga pangkomunidad na seremonya at ritwal at sa pang-araw-araw na huntahan at kuwentuhan ng mga mamayan. Madalas ang mga k’wentong bayan ang nagpapaliwanag ng iba’t ibang aspekto ng tradisyon, mga kalakaran at pati na rin kasaysayan. Ang mga k’wentong bayan ay itinuturing ding masining na pamamaraan ng pakikipagtalastasan sa mga kasapi ng pamayanan maging sa tagalabas,” dagdag pa nila.

Para naman kay Tsanselor Michael L. Tan ng UP Diliman, “ang k’wentong bayan (folklore studies) ay may mahalagang papel sa pagbubuo ng pambansang identidad lalo sa kinakaharap ngayon ng ibayong pag-unlad ng teknolohiya na nakakapagpawala ng mga orihinal na konteksto ng mga tradisyunal na sining at konteksto halimbawa sa mga k’wentong bayan.”

“Mahalaga ang k’wentong bayan lalo sa truth-telling lalo na sa panahon ng tinatawag na post-truth na may malaking epekto sa ating pagbuo ng ating bansa, at ng ating mga sarili,” dagdag pa ni Tan.

Si Propesor Felipe M. de Leon, Jr., Dating Tagapangulo ng Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining, at Propesor ng Aralin ng Sining sa Kolehiyo ng Arte at Literatura, ang pagbigay ng susing pananalita para sa kumperenisya.

May tatlong plenaryo ang kumperensiya na nagtalakay sa iba’t ibang disiplina at ang kaugnayan at mahalagang papel ng k’wentong bayan sa mga ito. Ang unang plenaryo ay nakatutok sa kahalagahan ng paglikom o dokumentasyon ng mga datos ng mga k’wentong bayan mula sa iba’t ibang panig ng bansa. Ang mga panauhing tagapgasalita sa plenaryong ito ay sina Prop. Ma. Luisa T. Camagay, Ph.D. para sa “Kaalamang Bayan: Balon ng Kaalaman ng mga Ilustradong Pilipino”; Prop. Flora Elena R. Mirano, Ph.D. para sa “Isang Lakaran sa Larangan ng Kaalamang Bayan”; at si Prop. Percival F. Almoro, Ph.D. para sa “Agham at mga K’wentong Bayan.”

Photo by Bong Arboleda, UP MPRO.

Ang ikalawang plenaryo ay nakatuon sa patuloy na pagsuri, at sa pagkakataong magrebisa ng kurikulum sa mga asignaturang tumatalakay sa kasayasayan at lipunang Pilipino, at ang mapaunlad ang ating kaalamang bayan. Sina Prop. Maria Bernadette L. Abrera, Ph.D. sa presentasyong “K’wentong Bayan at Kaalamang Bayan sa K-12” at Prop. Lorina Y. Calingasan, M.A.T. para sa “Ang Lugar ng Kaalamang Bayan sa K-12 Kurikulum” ang mga nagpaunlak bilang mga panauhing tagapagsalita.

Ang pokus ng ikatlong plenaryo ay hinggil sa talakayang “Kulturang Popular at Kaalamang Bayan” na tinalakay ang kahalagahan ng makabagong teknolohiya sa makabagong panahon at ang ugnayan nito sa tradisyong k’wentong bayan, at ang papel ng teknolohiya upang maipaabot o maipakalat sa nakararami ang kaalamang bayan. “Refletions on the History of MMFF, the Decline of Bakbakan and Folklore” ni Prop. Patrick F. Campos, MA at “Tabi-tabi Folkloradyo!”: Saysay, Salaysay at Salapungan” ni Melecio C. Fabros III, MA ang mga naging tagapagsalita at presentasyon sa bahaging ito.

Para kay Pangulong Danilo Concepcion, “napakahalaga ng mga gawaing tulad nito upang mapagyaman at maisulong ang ating pambansang kamalayan bilang mga Pilipinong nakapaloob sa ika-21 siglo, ngunit may mababalikang milenyo ng pagkatha, pagkwento, at pagdalumat sa mga hibla ng imahinasyon na bumubuklod sa atin bilang mga Pilipino. Madalas tayong makarinig ng mga panawagan para sa pambansang pagkakaisa mula sa ating mga pinuno. Subalit ang tunay na pagkakaisa ay hindi lamang usaping pulitikal kundi isang proyekto ng imahinasyon, isang pagsasarebulto ng bayan mula sa mayaman at pinagsamang putik ng iba’t ibang rehiyon at pangkulturang komunidad,” aniya sa isang mensaheng ipinaabot ni Bise Presidente para sa Gawaing Pang-madla Jose Dalisay, Jr.

Sa pagsasara ng programa, ipinaabot ni Dekana at Punong Tagapangasiwa ng Sampaksaan Grace H. Aguiling-Dalisay, Ph.D. ang kaniyang mensahe, “Ibinabalik tayo sa kahalagahan ng ‘folklore’ at kuwentuhan at makinig sa pagsasalaysay ng ating mga sarili na siyang nakapagbubuo ng mga kuwentong bayan.” (Stephanie S. Cabigao, UP MPRO)