Imbitasyon para sa 2017 Salínan Pandaigdigang Kumperensiya

| Written by UP Media and Public Relations Office

Ang 2017 Salínan Pandaigdigang Kumperensiya ay isang tatlong araw na kumperensiya sa Filipinas na itinataguyod ng Filipinas Institute of Translation, Inc. (FIT), sa pakikipagtulungan ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), ng Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining (NCCA), at ng Kagawaran ng Filipino ng Pamantasang Ateneo de Manila. Ang pandaigdigang kumperensiyang ito ay para sa mga dalubhasa at praktisyoner sa pagsasalin, lingguwista, mga guro (sa sekundarya at tersiyaryo), sosyologo, at iskolar sa wika, gayundin sa mga mag-aaral at iba pang propesyonal na interesado sa diskurso sa wika at pagsasalin.

Ito ay magaganap mula 28 hanggang 30 ng Setyembre 2017 sa Leong Hall Auditorium, Pamantasang Ateneo de Manila, Katipunan Avenue, Loyola Heights, Lungsod Quezon, Filipinas.

Sa okasyong ito, magsasama-sama ang mga lokal at internasyonal na dalubhasa sa teorya at praktika ng pagsasalin upang pag-usapan ang mahahalagang paksa sa pagsasalin sa kontekstong lokal at global.

Tatalakayin ang mga espesipikong kalakaran at pinakamainam na praktika sa pagsasalin at araling pampagsasalin mula sa iba’t ibang kontekstong pangkultura at panlipunan sa iba’t ibang panig ng mundo, na magsisilbing pook upang maiugnay ang lokal na praktika sa pinakamainam na praktika ng pagsasalin at araling pampagsasalin sa mga bansa sa buong mundo.

MGA TIYAK NA LAYUNIN:

1. Maitanghal ang lawak ng saklaw ng pagsasalin bilang isang disiplinang akademiko at propesyonal na larang na may mahalagang papel sa pandaigdigang ugnayan at globalisasyon.

2. Maitampok ang mga espesipikong kalakaran at pinakamaiinam na praktika ng pagsasalin mula sa iba’t ibang kontekstong pangkultura at panlipunan sa iba’t ibang panig ng mundo.

3. Maiagpang sa mga karanasang pandaigdig ukol sa pagsasalin ang mga partikular na lokal na sitwasyon sa praktika ng pagsasalin.

4. Makapaglatag ng mga panukalang hangarin at hakbang para sa higit na internasyonal na kolaborasyon sa pagsusulong ng mga proyekto sa pagpapalitang-teksto ng mga bansa sa mundo.

Ang mga pangunahing tagapanayam ay sina Propesor Lawrence Venuti mula sa Temple University sa Philadelphia, Pennsylvania, USA; Propesor Luise von Flotow mula sa School of Translation and Interpretation ng Ottawa University sa Canada; at ang Pambansang Alagad ng Sining Virgilio Almario.

Kasama rin sa mga imbitadong tagapanayam sina: Mubarak Alkhatnai, King Saud University (Saudi Arabia); Chandrani Chatterjee, Savitribai Phule Pune University (India); Paul Dumol, University of Asia and the Pacific; Maggie Hui, Hong Kong Polytechnic University (Hong Kong); Marne L. Kilates, Komisyon sa Wikang Filipino; Ruth Elynia S. Mabanglo, University of Hawaii at Manoa (USA); Ma. Crisanta Nelmida-Flores, University of the Philippines Diliman; Danilo Francisco M. Reyes, Ateneo de Manila University; Hope Sabanpan-Yu, University of San Carlos; Benilda S. Santos, Ateneo de Manila University; Fr. Wilmer Tria, Ateneo de Naga University Press.

Para sa iba pang impormasyon at tanong, makipag-ugnayan kina:
MICHAEL M. COROZA (Direktor ng Kumperensiya)
Tel. Blg. +639477219249
Email: mcoroza@ateneo.edu

EILENE G. NARVAEZ (Kalihim ng Kumperensiya)
Tel. Blg.: +6325471860 / +639257102481
Email: fitsalinan2017@gmail.com